MANILA, Philippines - Kinukuwestiyon ng grupong Crusade Against White Collar Crimes (CAWCC) kung nasaan ang P700 milyon na sinasabing pinanggastos ng Manila City Government sa pagpapagawa ng ospital sa Sta.Ana gayong donasyon ito ng negosyanteng si Lucio Tan.
Sa isang pahayag, sinabi ni CAWCC-Manila Chapter Chairman Marlon ‘Cocoy’ Lopera, isa umanong panlilinlang ang naging pahayag ni Atty. Rafaelito Garayblas, secretary to the mayor, na ang badyet sa pagpapagawa ng ospital sa Sta. Ana na P700 milyon ay mula sa P1 bilyong piso pinagbentahan ng kontrobersyal na Century Park Hotel noong Disyembre, 2008.
“Malinaw naman ang sinabi ni Councilor Bonjay Isip na walang inaprubahan ang City Council na appropriation para sa pagpapagawa ng ospital bagkus isa itong donasyon sa Lungsod, ngayon nasaan ang P700 milyon,” tanong ni Lopera.
Aniya, dapat magpaliwanag ang kampo ni Mayor Alfredo Lim sa publiko upang ipakita na walang naganap na kurapsyon sa pagbebenta ng nasabing hotel.