MANILA, Philippines - Isang mataas na opisyal ng Bureau of Customs ang kinasuhan sa Ombudsman dahil sa umanoy kwestiyunableng yaman nito na hindi angkop sa kanyang sweldo.
Mga kasong kriminal at administratibo ang isinampang kaso laban kay Atty. Rico Rey Francis Holganza, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service at dati ring konsehal ng Cebu City.
Base sa 5 pahinang reklamo ng negosyanteng si Hans Ernest Tan Aparice III, nadiskubre nito na si Holganza ay mayroong hindi maipaliwanag na yaman sa kabila ng monthly salary nito na P14,000 at annual salary ng P168,000 bilang Legal Officer II ng BOC.
Nakasaad pa sa reklamo nito na mayroon ding mga ari-arian si Holganza kabilang dito ang 800-square meter mansion sa No. 6 Sparrow St., Santo Ninoy Village, Barangay Banilad, Cebu City at iba pang personal na pag-aari tulad ng cargo trucks, luxury vehicles tulad ng Hyundai Starex van at Honda CRV.
Nakapangalan umano ang mga ari-arian ni Holganza sa mga kapatid at kamag-anak nito upang hindi madiskubre ng Ombudsman at iba pang ahensiya ng gobyerno.