MANILA, Philippines - Ipinatitigil ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon ang paghirang ng mga klase sa Philippine Military Academy (PMA) sa mga politiko bilang kanilang “adopted mistah”.
Sinabi ni Biazon na napakatagal nang ginagawa ang pag-ampon ng PMA Classes sa mga politiko kung saan nagagamit ang mga graduate na military sa kanilang ambisyong politikal.
Si Biazon ay anak ni outgoing Senator Rodolfo Biazon na isang retiradong heneral at nanungkulan rin bilang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ipinaliwanag ng batang Biazon na kung ititigil ng PMA ang pag-aampon sa mga halal na opisyal ng pamahalaan sa kanilang military class, tiyak na hindi mapupulitika ang mga magiging pinuno ng AFP at hindi rin mababahiran ng pagdududa ang kanilang pag-upo bilang hepe ng sandatahang lakas ng bansa.
Sa ganito rin paraan malilinis ng militar ang umiiral ngayong sistema na “bata-bata” at “palakasan system” na nagiging dahilan upang pagdudahan ang ilang mga umuupo bilang pinuno ng sandatahang lakas na nagiging mistah ng mga halal na opisyal.
“Ang pag-aampon sa mga pulitiko ng PMA military class ang nagiging tampulan ngayon ng batikos dahil pinapaboran sila ng mga inampon nilang pulitiko para maka-upo sa puwesto,” dagdag pa ni Biazon.
Idinugtong pa nito na ang ganitong kostumbre na pag-aampon ang dahilan rin ng pagiging partisan ng AFP at maging ang Philippine National Police (PNP).
Kahit umano ikatwiran ng AFP at PNP na wala itong katotohanan, ang pag-aampon sa mga pulitiko ng military class ay malinaw na napupulitika na ang hanay ng militar at pulis.