MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamunuan ng National Power Corporation (Napocor) na walang brownout na magaganap sa panahon ng laban ni pambansang kamao Manny Pacquiao at Joshua Clottey ngayong Linggo sa Luzon at Visayas.
Ayon kay Napocor spokesman Dennis Gana, sapat ang suplay ng kuryente sa kabila ng inaasahang mataas na demand dahil na rin sa laban sa makasaysayang Pacquiao fight.
Sinabi ni Gana, napag-aralan na ang pangangailangan sa suplay at reserbang grid ng buong bansa at mapupunan na ang kasalukuyang power generation ng mga planta sa electricity needs ng Luzon at Visayas sa kabila ng pagpapatupad ng rotating brownout ng Meralco dahil sa pagsasaayos ng Malampaya at Sta. Rita power plant.
Anya, mananatiling abnormal naman ang power situation sa Mindanao makaraang ideklara ng pamahalaan ang state of calamity doon bunga na rin ng mababang produksyon ng kuryente.
Ngayong araw ang laban nina Pacquiao at Clottey na tinaguriang “The Event” na inaasahang magiging madrama kaya ginawa ang lahat ng magagawa ng Napocor para magkaroon ng sapat na suplay ng kuryente sa Luzon at Visayas laluna sa Metro Manila. (Angie dela Cruz)