MANILA, Philippines - Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging maingat sa pagkain ng halo-halo na pinakapatok na pagkaing pampa-presko ngayong summer season.
Ang babala ay ginawa ni Health Secretary Esperanza Cabral kasunod ng pagkamatay ng isang residente at pagkaka-ospital ng 15 pang katao sa lalawigan ng Bicol bunga ng pagkain ng pinaniniwalaang panis na halo-halo.
Ayon kay Cabral, ngayon panahon ng tag-init ay mabili ang mga ‘summer coolers’ tulad ng halo-halo na nakagawian na ng mga Pinoy kaya dapat lamang na tiyakin ng publiko na malinis ang kanilang binibiling halo-halo dahil posibleng magdulot ito ng pagkamatay.
Nagtataglay umano ng mapanganib na bacteria ang mga meryendang tulad nito kung hindi malinis ang pagkakagawa. Dapat ding tiyakin na hindi panis at laging bago araw-araw ang mga sangkap na ginagamit sa paghahanda at pagtitinda nito.
Kasabay nito, umapela ang kalihim sa local government units (LGUs) at health workers sa kanilang hurisdiksiyon na imonitor ang halo-halo vendors upang matiyak na malinis ang kanilang preparasyon at hindi panis ang mga panindang summer snacks na madaling mapanis dahil sa init ng panahon. Maging ang mga ordinaryong pagkain din ay mas madaling mapanis sa panahong mainit partikular ang mga nilutong may sarsa tulad ng spaghetti at yung mga half-cooked lamang.
Tuwing tag-init, inaasahan na aniya ang mas maikling oras na mapanis ang mga inihahandang pagkain na tinutubuan ng bakterya na makasasama sa kalusugan ng tao.