MANILA, Philippines - Inaprubahan na kahapon ni Pangulong Arroyo ang paglalagay sa Mindanao sa ilalim ng state of calamity dahil na rin sa matinding epekto ng El Niño sa rehiyon.
Ayon kay Mindanao Development Authority Chairman Jesus Dureza, nilagdaan na ng Pangulo ang direktiba kung saan maaari nang i-release ang calamity fund na hindi puwedeng galawin kapag walang deklarasyon ng state of calamity. Ang pondo ay maaring gamitin para sa mga magsasaka at negosyanteng apektado ng tagtuyot.
Samantala, sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar, bagama’t may pagtutol sa mungkahi na magkaroon ng operasyon sa gabi ang mga pabrika sa Mindanao ay ito ang nakikitang paraan upang malunasan ang kakulangan sa supply ng kuryente sa Southern Philippines.
Sinabi ni Usec. Olivar, mas mabuting magtrabaho na lamang sila sa gabi kung saan ay mas kakaunti ang gumagamit ng kuryente kaysa naman tuluyang magsara ang kanilang pabrika dahil sa power crisis.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang rotating brownout dahil kapos pa rin sa tubig ang mga dam at kahit magkaroon ng pag-ulan ay kinakailangan pang mag-ipon ng tubig apat hanggang limang buwan bago bumalik sa normal ang water level.
Sa ngayon ay hindi pa pinal kung paiiralin ang price control sa ilalim ng state of calamity dahil titingnan pa kung may mananamantalang mga negosyante sa gitna ng kalamidad.