MANILA, Philippines - “Sa Diyos lang ako magpapagamit!”
Ito ang ma-emosyon na pahayag ng bagong talagang si AFP Chief of Staff Lt. Gen. Delfin Bangit bilang reaksyon sa mga alegasyong gagamitin ng administrasyon ang hukbong sandatahan sa pandaraya sa May 2010 elections.
Sa turnover ceremony kahapon sa Camp Aguinaldo, nakiusap si Bangit sa mga kritiko na tantanan na ang pang-i-intriga sa pagtatalaga sa kaniya ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang ika-40 Chief of Staff ng AFP kapalit ng nagretirong si ret. Gen. Victor Ibrado.
“Please, please spare your AFP from politics,” ani Bangit upang makapokus sila sa kanilang misyon tulad ng pagtuldok sa communist insurgency sa loob ng ilang buwang nalalabing palugit ng gobyerno bago bumaba sa puwesto ang punong ehekutibo.
Tiniyak din ni Bangit na poprotektahan ng AFP ang boto ng humigit kumulang sa 50 milyong botante sa bansa tulad ng sarili nilang boto sa gaganaping halalan, paiiralin ang demokrasya at pagrespeto sa karapatang pantao.
Si Bangit, produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Class1978 ay pormal na iniluklok kahapon sa puwesto kung saan nagsilbing panauhing pandangal si Pangulong Arroyo.
Ginawa ni Bangit ang pahayag upang tuldukan na umano ang mga espekulasyon ng mga kritiko na may ‘hidden agenda’ umano o mandaraya sa eleksyon ang administrasyon kaya ang heneral ang itinalaga sa puwesto. (Joy Cantos)