MANILA, Philippines - Umaabot sa 230 Pinay ang namamatay sa panganganak sa bawat 100,000 na live births.
Ito ang sinabi kahapon ni Senator Loren Legarda na iginiit na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang maternal at child care.
Ang nasabing blang ay napakataas umano kumpara sa mga namamatay sa panganganak sa ibang bansa katulad ng Thailand, Malaysia, at Singapore.
Kung sa Pilipinas ay 230 ang inang namamatay sa panganganak sa bawat 100,000 na live births, nasa 110 naman sa Thailand, 62 sa Malaysia at 14 sa Singapore, ayon na rin sa datos ng United Nations.
Nakakaalarma aniya ang nasabing bilang dahil maging ang buhay ng sanggol ay nalalagay sa alanganin kapag namatay ang ina.
Ayon naman umano sa Department of Health, 6 sa bawal 10 kababaihan ay sa bahay pa rin nanganganak dahil sa kawalan ng access sa maayos na obstetric services.
Kalimitan umanong nanganganib ang buhay ng mga babaing nanganganak sa tahanan lalo pa’t nagkaroon ng komplikasyon at hindi kaagad naisugod sa ospital.
Kabilang sa mga common causes ng maternal deaths ang hemorrhage, sepsis, obstructed labor, hypertensive disorders sa pregnancy, at complications ng unsafe abortion. (Malou Escudero)