MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si Army Chief Lt. Gen. Delfin Bangit ang susunod na chief of staff ng Armed Forces of the Philippines kapalit ni Gen. Victor Ibrado na magreretiro bukas matapos nitong maabot ang mandatory na retiring age na 56.
Si Bangit na nagsilbi bilang hepe ng presidential security group ni Mrs. Arroyo ay naunang nahirang na hepe ng Philippine Army at miyembro ng PMA Makatarungan Class of 1978.
Si Bangit ang magiging ika-40 hepe ng AFP at ika-11 hepe ng militar sa buong panahon ng panunungkulan ng administrasyong Arroyo.
Nangako si Bangit na paiiralin ang propesyunalismo at disiplina sa hanay ng 125,000 malakas na puwersa ng AFP.
Isasagawa naman ang turnover ceremony o pagsasalin ng kapangyarihan ni Ibrado kay Bangit sa Marso 10 na inaasahang dadaluhan ni Pangulong Arroyo bilang panauhing pandangal.
Ayon naman kay Ibrado, isang mahusay na opisyal si Bangit at karapatdapat itong maging successor niya bilang Chief of Staff.