MANILA, Philippines - “Hubaran sila ng maskara!”
Ito ang matapang na binitawang salita ni Ilocos Norte 1st District Congressman Roque Ablan kahapon hinggil sa mga pulitikong napapaulat na protektor at hawak ng malalaking grupo ng sindikato ng droga sa bansa.
Ayon kay Ablan, chairman ng dangerous drugs committee ng Kongreso, makikipag-ugnayan ang kanyang komite sa Philippine Drugs Enforcement Agency dahil ito ang may kumpletong talaan ng naturang mga pulitiko.
Idiniin ni Ablan na hindi dapat maimpluwensiyahan ng kahit na sino ang dikta ng batas dahil lalo lamang lumiliit ang tingin ng taong bayan sa hustisya sa ating bansa.
Ang pahayag ni Ablan ay bunsod ng pag-akusa ni PDEA Agent Jeffrey Roquero na iniimpluwensiyahan diumano upang mapawalang sala sina Alberto, Fernando, at Allan Carlos Tinga sa kasong pagtutulak ng shabu.
Kasama si Roquero sa grupo ng PDEA na nagsagawa ng entrapment operation kina Alberto, Fernando, at Allan Carlos Tinga nuong July 11, 2007.
“A blanket denial would not suffice an honest to goodnessinvestigation is required because of the gravity of the charges,” ani Ablan.
Sa kasalukuyan, pitong miyembro ng “Tinga Drug Syndicate” ang nasa records na ng mga awtoridad. Ito ay sina Noel, Joel, Fernando, Allan Carlos, Alberto, Bernardo at Hector Tinga.
Sinabi ng Kongresista na nararapat lamang na hanggang maaga ay matukoy na kung sino-sino ang politikong tumatanggap ng drug money kapalit ng pagtatakip at pagprotekta sa mga drug syndicate nang sa gayon ay agad na malaman ng taong bayan ang tunay na hangarin ng mga tumatakbong kandidato. (Butch Quejada)