MANILA, Philippines - Pinuri ni dating Immigration Commissioner Andrea Domingo ang mga pagbabagong sinimulan sa Bureau of Immigration kasabay ng panawagan sa mga bagong immigration officers na bantayan at panatilihin ang bagong reputasyon ng BI bilang isa sa pinakaepektibong ahensiya ng gobyerno.
Sa graduation rites para sa 27 bagong immigration officers na ginawa sa BI main building noong Martes, sinabi ni Domingo, na ngayo’y general manager ng Philippine Estates Authority, na humanga siya sa pagbabago at pagpapaganda sa ahensiya, kabilang ang tagumpay nito kontra red tape at corruption.
Ang operations center sa BI main office ang nagmomonitor sa aktibidad ng lahat ng tanggapan ng BI sa buong bansa.
Sa nasabi ring graduation rites, pinayuhan ni BI Commissioner Marcelino Libanan ang bagong graduates na maging mapagbantay sa mga tukso ng katiwalian habang nasa trabaho dahil ang kamalian ng isang immigration officer ay lumilikha ng negatibong epekto sa bansa sa mata ng mga bumibisitang dayuhan.
Binalaan ni Libanan ang mga bagong immigration officers na hindi maitatago ang anumang kamalian dahil may mga nakalagay nang monitoring systems sa mga paliparan.