BAGUIO CITY , Philippines —Iginiit ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. sa mga local officials ng Cordillera Autonomous Region na kapag siya ay nahalal na pangulo sa halalan sa Mayo ay magiging prayoridad niya ang inter-connections ng bawat lalawigan.
Sinabi ni Teodoro sa harap ng mga local officials ng Abra, Benguet, Kalinga, Apayao at Mountain Province na ginanap kamakalawa ng gabi sa Supreme Hotel sa lungsod na ito na sisikapin niyang matupad ang pagkakaroon ng inter-connection ng mga kalye para mapabilis ang transportasyon dito.
Pinuna niyang sa ngayon ay hirap na hirap ang mga residente ng Abra at Apayao sa pagpunta sa sentro ng CAR na Baguio City dahil sa kawalan ng inter-connecting roads.
Aniya, kapag pinalad siyang manalong pangulo ay handa niyang pondohan ito mula sa Office of the President at Kalayaan sa Barangay Fund.
Nagpahayag naman ng todong-suporta ang CAR officials kabilang ang Baguio City officials para ipanalo si Teodoro sa darating na presidential race.
Sinabi naman ni Baguio Rep. Mauricio Domogan, regional chairman ng Lakas-Kampi-CMD, aabot sa isang milyon ang botante ng CAR at nasisiguro niyang si Gibo ang makakakuha ng mayoryang suporta mula sa rehiyong ito. (Rudy Andal)