MANILA, Philippines - Idineklara ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) na si Angelito “Jett” Reyes ang tunay na nagwagi bilang congressman ng ikalawang distrito ng siyudad noong May 2007 election.
Sa unanimous decision ng HRET na isinulat ni Associate Justice Renato Corona, sinibak rin nito ang katunggaling si Henry Dueñas matapos lumamang sa kanya si Reyes ng 37 votes sa election recount.
Sa kanyang election protest laban kay Dueñas, inakusahan ni Reyes ang huli ng umano’y pandaraya sa 170 polling precincts.
Bago isinagawa ng HRET ang recount, si Dueñas ay may 28,564 votes sa pagsusuma ng District Board of Canvassers, habang si Reyes ay may 27,107 boto para sa kalamangan ni Dueñas na 1,457 votes.
Isa pang kandidato, si Arturo Alit ay may 22,264 boto naman.
Ngunit matapos ang revision ng ballots sa 729 contested precincts, si Reyes ay napatunayang may 26,967 boto laban sa 26,930 ni Dueñas.
Ayon kay Reyes, anak ni Energy Secretary Angelo Reyes, gagamitin niya ang bawat minuto ng bawat araw na natitira sa kanyang termino upang isulong ang kanyang legislative agenda laban sa tinagurian niyang “twin evil” sa Taguig – ang kahirapan at kriminalidad.
Kung may pagkadismaya man raw ang mga taga-Taguig, ito’y ang katagalan bago lumabas ang desisyon, kung kaya halos tatlong taon rin silang nirepresenta sa kongreso ni Dueñas gayung hindi naman pala ito ang nanalo sa eleksyon.
Ang hamon ngayon sa mga taga-Taguig, ayon kay Reyes na tatakbo sa reelection ngayong Mayo, ay ang siguruhing hindi na mauulit ang dayaan sa eleksyon na nangyari at bumiktima sa kanya noong 2007. (Butch Quejada)