Pekeng gun ban permits kalat

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Philippine National Police (PNP) Chief Director, General Jesus Verzosa hinggil sa kumakalat na mga pekeng gunban exemption permits.

Ayon kay Verzosa, pinalilitaw sa mga pekeng Permits to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) na inisyu ito ng Co­melec Committee on the Ban on Firearms at Secu­rity Personnel at may pekeng lagda ni Commissioner Lucenito Tagle.

Ang mga pekeng Co­melec PTCFOR ay nagsasaad umano na exempted ang indibidwal na may hawak nito sa ipinatutupad na gunban alinsunod sa Comelec Resolution No. 8714 at 8742.

Isang tinukoy sa pangalang Franciso Tan Jr. ang umano’y isa sa mga nagpapakalat nito na ipinagbibili sa halagang P5,000.

Alinsunod sa Comelec Resolution No 8714, ipinagbabawal ang pagdadala ng mga armas, eksplosibo at mga nakamamatay na patalim sa loob ng 150 araw na election period kaugnay ng May 2010 elections.

Inatasan na ni Verzosa si Police Director Andres Caro II, PNP Director for Operation, lahat PNP Regional Offices at National Support Units na buwagin at arestuhin ang mga sindikatong nasa likod ng pekeng permit.

Sa tala ng PNP, uma­abot na sa 1,145 indibid­wal ang nasakote sa paglabag sa gunban simula Enero 10, 2010.

Aabot naman sa 142 em­pleyado at opisyal ng gobyerno, 1,003 sibilyan ang nahulihan ng 996 mga armas, 210 eksplosibo, 266 patalim at 792 gun replica.

Show comments