MANILA, Philippines - Nakatakdang hilingin ng Rizal Provincial Police Office (RPPO) sa Commission on Elections (Comelec) na ilagay ang bayan ng Rodriguez sa mga election hotspots dahil sa talamak na kriminalidad at tensyon sa pagitan ng mga politiko sa darating na halalan.
Sinabi ni Rizal PNP Director, Sr. Supt. Ferdinand Miano, tanging ang bayan ng Rodriguez (dating Montalban) lamang ang nakapagtala ng “election related violence” kumpara sa ibang bayan sa lalawigan.
Kabilang dito ang pagpaslang sa dating pulis na si P/Insp. Ricardo Amata sa palengke ng naturang bayan dagdag pa ang patuloy na tensyon sa pagitan nina suspended Mayor Pedro Cuerpo at kampo ni acting Mayor Jonas Cruz.
Pinaslang si Amata noong Disyembre 31 habang kumakain sa palengke ng Rodriguez. Napaslang rin naman ang gunman na si Bhong Meldo ng rumespondeng si SPO2 Danilo Zuniga na napatay rin ng iba pang suspek na patuloy na nakakatakas.
Si Meldo ay kilalang bodyguard ni Cuerpo habang supporter naman ni Cruz si Amata. Kasalukuyang bagsak umano ngayon ang negosyo sa bayan dahil sa lumalalang kondisyon ng kriminalidad sa naturang lugar. (Danilo Garcia)