MANILA, Philippines - Matapos ang siyam na taong pagtatago, naaresto rin ng pulisya ang isang miyembro ng Abu Sayyaf na responsable sa pagdukot sa US missionary couple na sina Martin at Gracia Burnham sa Dos Palmas, Beach Resort, Palawan noong May 2001.
Ang suspect na si Jumadail Arad alyas Abu Hurayra at Asim Mangkabong Absar ay nasakote ng mga elemento ng Southern Police District at Navy Intelligence operatives habang sakay ng shuttle bus dakong alas-5:15 ng hapon sa Pier 2, Manila North Harbor kahapon dahil nakatakda na itong magpunta sa Zamboanga City.
Si Arad ay nahaharap sa kasong murder, frustrated murder at illegal detention hinggil sa Dos Palmas hostage crisis dahil nagsilbi itong boat operator nang lusubin ng kanilang grupo ang nasabing resort at tangayin ang 20-katao kasama ang mag-asawang Burnham at ang pinugutang American - Peruvian na si Guillermo Sobero.
Noong Hunyo 2002 ay masuwerteng nasagip si Gracia ngunit nasawi naman si Martin sa operasyong isinagawa ng military sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Si Arad ay nagtungo sa Maynila matapos na utusan ni Commander Isnilon Hapilon para mamili ng mga bala na gagamitin sa operasyon ng nasabing grupo sa Basilan at Sulu.
Isinasailalim ngayon sa tactical interrogation ng pulisya ang nasabing suspect at patuloy na nagsasagawa ng follow-up operations laban sa grupo nito.