Cuerpo itinanggi ng LP

MANILA, Philippines - Itinanggi ng Liberal Party sa lalawigan ng Rizal ang sinasabing kandidato nila sa pagka-gobernador na si Rodriguez suspended Mayor Pedro Cuerpo.

Ito ang paglilinaw na gi­­­nawa ng LP sa harap ng pahayag ni Cuerpo na sinusuportahan niya ang kandidatura sa pagka-Pa­ngulo ni Sen. Noynoy Aquino ng LP.

Ayon kay dating Rizal Governor at LP provincial chairman Reynaldo San Juan Sr., hindi kailanman naging kandidato ng LP si Cuerpo. Ang suspendidong Mayor ay nagsumite ng kandidatura sa ilalim ng Partido Aksyon Demokratiko ng yumaong Senador Raul Roco.

Dagdag ni San Juan, “liability” umano ang tingin ng LP kay Cuerpo dahil umano sa maraming kasong administratibo at kriminal na kinakaharap nito. Matagal ding kaalyado ni Pa­ngulong Arroyo si Cuerpo bago ito lumipat sa Aksyon Demokratiko.

Kung nanaisin rin umano ni Cuerpo na umanib sa kanila ay agad nila itong tatanggihan, ayon pa kay San Juan. (Danilo Garcia)

Show comments