MANILA, Philippines - Nakaalerto ngayon ang tropa ng militar laban sa pinangangambahang “spill over” ng awayan sa pagitan ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan at Mangudadatu sa mga lungsod at bayan sa Central at Western Mindanao.
Ito’y bunsod ng pagkakapaslang ng mga security escort ni Buluan Vice Mayor at Maguindanao gubernatorial bet Esmael “Toto” Mangudadatu sa isa sa mga tauhan ng mga Ampatuan na si Tamano “Kagi” Mamalapat.
Si Mamalapat ay napatay matapos na mabaril ng isa sa mga security escort ni Toto sa barilan sa JS Gaisano Mall sa Davao City noong Huwebes ng gabi.
Sinasabing pinagtangkaan umano ni Mamalapat na itumba si Toto at dukutin ang 11-anyos na anak nitong babae pero naging maagap ang security escort ng opisyal.
Bunga nito, ayon kay AFP-Eastern Mindanao Command Chief Lt. Gen. Raymundo Ferrer, dalawang batalyon pa ng mga sundalo ang ipakakalat sa Central at silangang Mindanao upang maghigpit ng seguridad lalo’t malapit na ang eleksyon.
Sinabi ng opisyal na hiniling na nila kay AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado ang pagpapakalat ng karagdagan pang 1,000 sundalo upang mapigilan ang tumitinding iringan sa pagitan ng pamilya ng mga Mangudadatu at mga Ampatuan.
Ang mga Ampatuan sa pangunguna nina Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at ama nitong si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. ang itinuturong mastermind sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 16 miyembro ng pamilya ni Toto at 32 mediamen noong Nobyembre 23, 2009.
Si Mangudadatu ay kalaban sa gubernatorial race ng isa sa angkan ng mga Ampatuan sa lalawigan.