MANILA, Philippines - Magkakaboses sa Kongreso ang mga residente ng District 1 ng Quezon City matapos na payagan ng Commission on Elections na kumandidatong kongresista rito ang negosyanteng si Viviene Tan na anak ni taipan magnate Lucio Tan.
Sinabi ni Tan sa isang pulong-balitaan sa Quezon City na wala nang hadlang pa para mabigyan ng sapat na serbisyo ang mga residente rito dahil sa pagdismis ng Comelec sa disqualification case na naisampa ni Congressman Bingbong Crisologo laban sa kanya.
Una nang nadismis ng Quezon City Regional Trial Court ang ganitong uri ng kaso na naisampa ni Crisologo matapos mapatunayang isang natural born citizen si Tan at registered voter ng naturang distrito.
Sinabi ni Tan na bagamat siya ay nagseserbisyo na sa mga taga Quezon City bilang kinatawan sa pribadong sektor, mas gusto niyang palawakin pa ang serbisyo kapag napunta na sa Kongreso.
“Nakita ko na walang boses sa Kongreso ang mga taga district 1 sa nakalipas na anim na taon, ngayon gagawin natin yan “pahayag ni Tan. (Angie dela Cruz)