MANILA, Philippines - Pinagbibitiw ni Senator Panfilo Lacson ang hukom na dumidinig sa kaso ng Dacer-Corbito double murder case dahil sa umano’y pagiging bias nito.
Ayon kay Atty. Alex Avisado, abogado ni Lacson, dapat lang na mag-inhibit si Manila Regional Trial Court Branch 18 Judge Myra Garcia-Fernandez sa naturang kaso lalo pa at ang kaso ay bahagi ng political persecution ng administrasyon laban sa kanya.
Sa mosyon ni Lacson, may bahid pagdududa na kung si Fernandez pa rin ang didinig sa kaso ng una lalo pa at si Justice Secretary Agnes Devanadera ay miyembro ng Judicial and Bar Council habang si Fernandez naman ay kasama sa listahan ng mga nominado ng JBC para maging mahistrado ng Court of Appeals.
Hiniling din ni Avisado na bawiin ang ipinalabas nitong arrest warrant laban sa kanyang kliyente at ibasura din ang nasabing kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Aniya, hindi sapat na pagbasehan ang pagiging hepe noon ni Lacson ng Philippine National Police (PNP) at nabuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) nang maganap ang pagdukot at pagpatay kina dating PR man Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbiito noong 2000.
Wala rin merito ang testimonya nina dating Sr. Supt. Cesar Mancao, Supt. Glen Dumlao, liham ni Bubby Dacer kay dating Pangulong Joseph Estrada na may petsang Oktubre 8, 1999, mga testimonya din ng mga testigong sina William Lopez at Alex Diloy para madiin si Lacson sa nabanggit na kaso. (Ludy Bermudo)