MANILA, Philippines - Hinikayat ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. ang taumbayan na huwag magpapasilaw sa kinang ng salapi at popularidad ng kandidato at, sa halip. piliin ang kandidatong may kakayanan na pamunuan ang bansa.
Ito ang idiniin ni Teodoro sa kanyang campaign kick-off rally kamakalawa ng gabi sa Ynarez Gym sa Antipolo City na dinaluhan ng mahigit 30,000 supporters.
Tiniyak din niya na mananatili ang kanyang pangangampanya sa disenteng pamamaraan at walang pag-atake o paninira sa kanyang mga kalabanan.
Naniniwala si Teodoro na matatalino ang mga botanteng Pilipino at magdedesisyon ito sa pagpili ng susunod na presidente sa pamamagitan ng talino, kakayahan, plataporma at pananaw para sa bansa ng isang kandidato at hindi dahil sa salapi at sa popularidad nito.
Kasama ni Teodoro sa kick-off rally ang kanyang runningmate na si Edu Manzano at mga senatorial candidates ng administrasyon na sina re-electionist Senators Bong Revilla, Lito Lapid, broadcaster Rey Langit, dating Secretary to the Cabinet Silvestre Bello III, League of Municipalities president Ramon Guico at Raul Lambino.
Nangako naman si Rizal Gov. Casimiro Ynarez Jr. na sisikapin ng kanyang mga kababayan sa lalawigan na maipanalo dito si Teodoro. (Rudy Andal)