MANILA, Philippines - Binalaan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili at pagbebenta ng tatlong cosmetic products na ‘Jiaoli’ at “Zhen de Shou” products na sinasabing pampapayat matapos mapatunayang nakakasama sa kalusugan.
Batay sa ipinalabas na FDA Advisory 2010-002 ni FDA head Nazarita Tacandong, natuklasang nagtataglay ng mercury na lagpas sa “allowable limit” ng part per million (ppm) ang Jiaoli Miraculous Cream, Jiaoli Huichusu Special Cut Genuine, at Jiaoli 2+17 days Clearing Facial Spots Suit.
Hindi aniya rehistrado sa FDA ang mga nasabing produkto at delikado aniya sa taong makakagamit nito.
Parehong babala din ang inisyu ng FDA laban sa pagbili at paggamit ng Zhen de Shou Fat Loss Capsule at Zhen de Shou Fat Loss Tea, na kapwa hindi rin rehistrado.
Natuklasan naman ng FDA na nagtataglay ng delikadong sangkap ang mga nasabing mga pampapayat kaya hindi ito ligtas para sa public consumption.
Partikular aniyang taglay ng Zhen de Shou Fat Loss Capsule ang sangkap na Amphetamine, Sibutramine, o Steroids.
Sinabi ni Tacandong na maaring maparusahan ang anomang kumpanya o outlets na mahuhuling nagbebenta ng mga nasabing produkto. (Doris Franche)