MANILA, Philippines - Pinagbibitiw ng kampo ni Datu Unsay Maguindanao Mayor Andal Ampatuan Jr., si Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes sa pagdinig sa kasong multiple murder kaugnay ng massacre ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen noong Nobyembre 23, 2009.
Sa 23 pahinang mosyon, iginiit ni Atty. Sigfrid Fortun ang “ineptness at misconduct” o kawalan ng abilidad at hindi pagiging patas ni Solis-Reyes upang patuloy na hawakan ang kaso.
Iginiit nito na nakikita at nararamdaman nila ang pagkiling umano ng naturang hukom sa mga Mangudadatu kaya nagigipit sa kaso ang kaniyang kliyente.
Sinabi ni Fortun na marami nang batas sa korte ang nilabag ng babaeng hukom partikular ang pagpayag nitong makapagbato ng mga mapanuyang pagtatanong ang state prosecutors sa mga tumatayong testigo kontra sa mga Ampatuan.
Hindi naman agad naglabas ng desisyon ang huwes sa naturang mosyon at sa halip ay binigyan ng 10 araw ang prosekusyon upang magkomento.
Tinawag namang delaying tactics ni Buluan Vice Mayor Ismael “Toto” Mangudadatu ang aksyon ng defense panel na anya’y pagyurak sa kredibilidad ni Reyes.
Sinabi ni Mangudadatu na nalulungkot siya sa mga kaganapan sa korte dahilan kung tutuusin ay ang pamilya ng mga biktima ng karumal-dumal na massacre ang agrabyado sa kaso.
Umaasa naman si Mangudadatu na hindi mag-iinhibit sa kaso ang babaeng hukom dahilan taliwas sa paratang ng kampo nina Ampatuan ay naging patas ito sa paghawak sa naturang kaso ng magkalabang panig.
Kasabay nito, ipinagpaliban ni Reyes sa Pebrero 17 at 24 ang pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong multiple murder laban kay Andal Jr.
Inihayag naman ni Atty. Nena Santos, legal counsel ni Mangudadatu na masyadong ‘unfair’ ang panig ng depensa sa pag-antala sa paglilitis at hakbanging patalsikin si Solis-Reyes para ipagpatuloy ang pagdinig sa kaso.
Kasunod ito ng paghahain ng kasong multiple murder ng Department of Justice laban kay dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at 196 na iba pa.
Nilalayon nito na bigyang pagkakataon ang mga abogado ng iba pang akusado na makapaghanda sa kaso. (Joy Cantos)