MANILA, Philippines - Isinulong na ng Department of Justice ang kasong 57 counts of murder sa Quezon City Regional Trial Court laban kay dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at 196 iba pa kabilang ang ilang angkan nito dahil sa pagkakasangkot sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009.
Sa78-pahinang resolusyon ng DoJ, napatunayang nagkaroon ng sabwatan ang mga akusado para maisagawa ang pagmamasaker sa angkan ng Mangudadatu at mga supporters nito habang patungo sa Shariff Aguak upang maghain ng Certificate of Candidacy si Esmael “Toto” Mangudadatu.
Kabilang sa mga akusado sina Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Datu Saldy “Puti” Ampatuan, Datu Akmad “Tato” Ampatuan, Sr., Datu Norodin Ampatuan, at Datu Jimmy Ampatuan. Itinuturo din ng mga testigo sina Datu Kanor Ampatuan, Datu Bahnarin Ampatuan, Datu Mama Ampatuan, Datu Sajid Islam U. Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan, Datu Saudi Ampatuan, Jr., Datu Ulo Ampatuan, Datu Ipi Ampatuan, Datu Harris Ampatuan, Datu Moning Ampatuan, Mogira Hadji Anggulat, Parido Zangkala Gogo, Jun Pendatun, Kagi Faizal at Sukarno Badal na nagpartisipa sa massacre.
May mga ebidensiya din hawak ang prosecution na ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nakiisa sa preparasyon at pagsasakatuparan ng massacre.
Sa ngayon ay nakadetine sa Camp Panacan Hospital sa Davao City si Ampatuan Sr., habang ang iba pang miyembro ng Ampatuan ay nakapiit sa military camps sa General Santos City.
Magugunita na dinukot at pinatay ng mga armadong kalalakihan sa pangunguna ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ang convoy ng misis ni Mangudadatu na si Genalyn kasama ang 32 mediamen at ilang supporters nito. (Gemma Amargo-Garcia)