MANILA, Philippines - Matapos ang tatlong linggong pagkawala, nakuha na kahapon ng mga rescuer ang bangkay ng isa sa dalawang Pilipina na natabunan ng gumuhong supermarket sa naganap na lindol sa Haiti noong Enero 12.
Ang bangkay ni Mary Grace Fabian ay nahugot dakong alas-11:00 ng umaga ng mga tauhan ng Central National Equipment Retrieval team habang nakaipit sa bumagsak na Carribean Supermarket bunga ng 7.3 magnitude na lindol.
Positibo namang kinilala si Fabian ni Lowel Lalican, nakaligtas sa lindol at asawa ng nawawala pang overseas Filipino worker na si Geraldine Lalican.
Nakilala si Fabian sa pamamagitan ng kanyang suot na uniporme, buhok at suot nitong kuwintas.
Patuloy pa rin ang isinasagawang recovery efforts ng Philippine contingent sa Haiti upang hanapin si Geraldine Lalican na pinaniniwalaang natabunan din sa bumagsak na supermarket. (Ellen Fernando)