'Smuggling front' sa BoC harangin

MANILA, Philippines - Dapat harangin ng pamahalaan ang pagbu­bukas muli ng isang isina­rang private off-dock container yard” dahil inaaba­ngan na ng mga balak mag­pasok ng multi-mil­yong pisong halaga ng mga smuggled goods.

Ito ang apela ng Association of Off-Dock CFS Operators na nagsabing “nakapila na” at inaaba­ngan na ng mga smugglers ang operasyon ng naturang container yard.

Magugunita na ina­probahan na ni Customs Chief Napoleon Morales ang muling pagbubukas ng container yard.

Anang mga nagrerek­lamo, magmimistulang “smugglers’ paradise” ang Bureau of Customs kapag binuksan muli ang pinadlak na container yard. Ito ay dahil magbibigay umano ito ng daan para sa pagbu­bukas ng iba pang mga katulad na kumpanya.

Ayon sa Association of Off-Dock CFS Operators of the Philippines (ACOP), nakikiramdam na umano ang iba pang mga nagsara at mga “fly-by-night” container freight stations (CFS), sakaling matuloy ang ope­ rasyon ng Circle Freight CFS na tatawagin na nga­yon bilang ‘Goldwin CFS.’

Ang Circle Freight ay na-padlock at tuluyan ng nagsara noong 2003 ma­tapos mabisto ng BOC na naging prente ito sa smuggling na naging dahilan din upang alisin ito sa kasa­pian ng ACOP.

Itinayo naman ang ACOP sa panahon ni Comm. Guillermo Pa­rayno, bilang samahan ng mga lehitimong ‘private yard operators’ upang matigil na ang pagkalat sa BOC ng mga pekeng ‘off-dock container freight stations’ (CFS), na kalimitang ginagamit ng mga sindi­kato ng smuggling.

Sa impormasyon ng ACOP, nabatid nilang may isa pang nagsarang CFS ang nag-aayos na ng mga dokumento nito upang muling makabalik sa Aduana sakaling magsi­mula na ang operasyon ng Circle Freight/Goldwin.

Sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng ACOP, noong Enero 13 ay inapru­bahan na ni BOC Comm. Napoleon ‘Boy’ Morales, sa rekomendasyon ni Depcomm. Rey Nicolas, ang pagbabalik ng lisen­siya ng Circle Freight. (Butch Quejada)

Show comments