MANILA, Philippines - Nanawagan ang isang grupo ng Field Grade at Company Grade Officers ng Armed Forces of the Philippines sa mga tao o grupong may sariling political agenda na huwag nang idamay ang kanilang sandatahang-lakas sa kanilang mga pansariling interes sa pagsusulong ng “term extension” sa kanilang mga paparetiro nang superyor.
Idiniin ng mga junior officer na tumangging magpabanggit ng kanilang mga pangalan na matapos ang ilang matagumpay at bigong kudeta, naibalik na ang professionalism sa AFP.
Dahil anila dito, hindi na dapat idinadamay pa ang kanilang organisasyon sa mga pansariling interes ng ilang grupo.
Tutol din ang grupo sa ipinapanukalang term extension kay AFP chief of staff General Victor Ibrado kasabay ng pagbatikos sa mga nagsusulong nito.
Idiniin nila na, sa bawat heneral na napapalawig ang termino, maraming mga opisyal sa mababang pwesto ang naaantala ang pag-angat o promosyon. (Joy Cantos)