BI employees suportado ang bagong Immigration bill

MANILA, Philippines - Muling ipinahayag ng mahigit 500 opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) ang ka­nilang suporta sa panuka­lang bagong immigration bill na nakabinbin sa pa­rehong sangay ng Kon­greso.

Sa isang position paper na pinangunahan ng mga opisyal at miyembro ng Buklod ng mga Kawani ng CID (Buklod), ipinabatid ng mga empleyado ang ka­nilang buong suporta sa pa­nukalang Philippine Immigration Act of 2009.

Ayon kay Leticia Fa­talla, pangulo ng Buk­lod, matagumpay nilang kinilos upang maisama sa panu­kala ang isang probis­yon na kailangang i-absorb ang lahat ng kasalukuyang em­pleyado, kabilang ang temporary and casual, ka­pag naisabatas na ang bill.

Binanggit niya ang section 127 ng House Bill 6568 kung saan nakasaad na lahat ng incumbent officials at employees ng ahensiya na sakop ng civil service law at regulations ay i-a-absorb ng authority.

“We thanked Commissioner Marcelino Libanan for pushing to lawmakers that our proposal be included in the pending measure,” wika ni Fatalla, na nagsabi na pati rank-and-file ay umaasang maipa­pasa ang bill.

Samantala, sinabi ni BI Legal Officer Henry Tub­ban Jr., na dumaan sa ilang konsultasyon sa mga opisyal at empleyado ng ahensiya ang panukala, partikular na sa staffing pattern tuwing may committee meeting.

Ipinaliwanag niya na binibigyan ng regular na update ang mga opisyal at empleyado ng ahensiya ukol sa kalagayan ng bill tuwing regular na flag-raising ceremonies tuwing Lunes at sa lingguhang management meetings. (Butch Quejada)

Show comments