MANILA, Philippines - Nawalan ng saysay ang petisyon ng grupong Social Justice Society at transport group na Pasang Masda laban sa pagpapatupad ng panibagong pagtataas sa presyo ng mga produkto ng malalaking kumpanya ng langis.
Dinismis kahapon ng Manila Regional Trial court Branch 26 Judge Silvino Pampilo ang petisyon dahil walang basihan bukod sa apektado din ang mga lokal na kumpanya ng langis sa galaw ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.
Kinatigan ng korte ang testimonya ni dating National Economic Development Authority Chief Solita Collas-Monsod na ang magkakasunod na pagtataas ng presyo ng langis na isinasagawa ng mga kumpanya ng langis ay hindi agad nangangahulugan na may sabwatan na ang mga ito. Kumpara sa ibang bansa ay nanatili pa rin na mababa ang presyuhan ng langis sa Pilipinas.
Tulad umano sa international market ay parehas na sitwasyon din ang kinakaharap ng mga oil companies kaya sa oras na may paggalaw ng presyo ay walang opsyon maliban sa magtaas ng presyo sa lokal na merkado.
Ang kaso ay nag-ugat sa akusasyon ng SJS na ang Pilipinas Shell, Chevron at Petron ay sangkot sa cartelization at kasunod nito ay hiniling na pagbawalan ang malalaking kumanya ng langis na magtaas ng presyo kada linggo.