MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Presidential Anti-Smuggling Group Chief at Dangerous Drug Board Chairman Antonio Villar Jr. sa Department of Justice na unang tignan ang kanilang sarili bago mag-akusa sa PASG na mayroon itong masamang motibo laban sa suspected diamond smuggler na si Siu Ting Alpha Kwok.
Ayon kay Villar, dapat eksaminin muna ng mga government prosecutors ang kanilang sarili bago sila akusahang may motibo laban kay Alpha Kwok na idinismis ng DOJ ang isinampang smuggling case dito sa pamamagitan ng DOJ-resolution noong Nov. 19, 2009 subalit natanggap lamang ang kopya nito kahapon.
Sinabi pa ni Villar na nabulagan lamang sina State Prosecutors Pamela Lazatin-Escobar, Rohairah Lao-Tamano at Aldrin Evangelista nang idismis nila ang kaso laban kay Alpha Kwok gayung mayroong maayos na koordinasyon ang PASG sa BIR at iba pang government agencies nang kasuhan si Kwok na nakumpiskahan ng mahigit P250 milyong halaga ng diamonds at iba pang alahas. (Rudy Andal)