MANILA, Philippines - Samantala, maging ang mga faith healer ay dumagsa din sa simbahan ng Quiapo dahil sa paniniwalang lumalakas ang kanilang kapangyarihan sa panggagamot sa tuwing Enero 9 na siyang kapistahan ng Itim na Nazareno.
Sa bisa umano ng dasal at pagpapausok sa mga nagpapagamot, nagkakapera ang mga faith healer sa pamamagitan ng mga donasyon. Ang ilang debotong dumating dito ay humihiling naman ng himala o kaya’y nagpapasalamat sa milagrong natanggap.
Kasabay nito, hinikayat ni Manila Archbishop Cardinal Gaudencio Rosales ang mga deboto na tularan ang Panginoong Hesu Kristo sa pagpapakita ng tamang pamumuhay.
Sinabi ni Rosales sa kanyang misa sa Quirino Grandstand kahapon ng umaga na maaaring mamuhay ng tama ang lahat ng tao kung ang susundin ang batayan ng Dios kung saan ito din ang ipinakikita sa ginawang pagbuhat ng krus at pagkakadapa ni Hesus.
Kinondena din ni Rosales ang mga taong walang kakuntentuhan at nagiging matakaw hindi lang sa pagkain kundi maging sa pera at pagpapasarap sa katawan. Larawan din aniya si Hesus ng kababaang-loob
Aniya, dapat manatili ang pagiging mababang–loob ng isang tao sa kabila ng mga natatamo nitong tagumpay. (Doris Franche)