MANILA, Philippines - Nagpatupad ng price rollback ang mga miyembro ng Liquified Petroleum Gas Marketers Association matapos na tapyasan ng P11 kada tangke ang halaga ng kanilang produkto kaninang hatinggabi.
Nilinaw naman ni Arnel Ty, tagapangulo ng LPGMA, na hindi dikta ng presyo sa internasyunal na merkado ang kanilang aksyon dahil sa hindi pa naman nagbabago ang halaga nito sa mundo. Ang pagbababa umano ay bunsod ng pagbaba ng pangangailangan o “demand” ng publiko sa LPG ngayong tapos na ang panahon ng Kapaskuhan.
Kailangan silang magbaba upang bumalik sa paggamit ng LPG ang publiko kung saan marami na ang gumagamit ng ibang alternatibong gamit sa pagluluto tulad ng elektrisidad, uling at gaas.
Pero inaasahan rin umano nila na bababa rin sa mga darating na araw ang “contract price” ng LPG kung saan aasahan ng publiko ang mga susunod pang pagbaba sa halaga nito sa lokal na merkado.
Sa kabila naman ng pagbababa ng mga small players sa halaga ng LPG, wala pa namang pasabi ang mga malalaking players tulad ng Pilipinas Shell, Petron Corp. at Total Philippines sa pagbaba ng kanilang LPG.
Umabot sa P645 ang normal na halaga ng LPG nitong kapaskuhan at inaasahang nasa P634 na lamang ito ngayong umaga dahil sa pagpapatupad ng rollback ng 40 independent producers na miyembro ng LPGMA. (Danilo Garcia)