MANILA, Philippines - Simula sa Enero 10 ng taong ito, epektibo nang ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang election gun ban sa buong bansa upang maiwasan ang pagdanak ng dugo sa nalalapit na national elections sa Mayo.
Sinabi ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, umpisa Enero 10 lahat ng pribilehiyo para makapagdala ng armas sa ilalim ng Permit To Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ay suspendido na sa buong panahon ng election period.
Maging ang mga police security escort na nakatalaga sa mga opisyal ng gobyerno, VIP’s at iba pang mga pribadong indibidwal ay saklaw ng gun ban.
“Only PNP, AFP, NBI personnel and Protective Agents of PDA (Private Detective Agencies) shall be deputized as security detail during the election period provided that these personnel shall be in proper uniform and in the actual performance of official security duties,” ani Verzosa kung saan kapag naka-duty lamang ang mga ito ‘exempted’ sa gun ban.
Gayundin sa pagbibiyahe ng mga armas ay ang mga may regular na plantilla ng PNP, AFP at mga law enforcement agencies na may malinaw na rank, serial number, pangalan at may mission/letter orders ang papayagan ng batas.
Samantalang ang mga baril na nakaisyu sa mga security guards ay dapat nakadeposito kung off-duty ang mga ito.
“The general rule is that only persons in authority who are in proper uniform and in actual performance of official duty are allowed to carry firearms during the election period,” paglilinaw ni Verzosa.
Alinsunod pa sa ipinatutupad na gun ban, sinabi ni Verzosa na lahat ng mga nakasuot ng sibilyan ay hindi awtorisadong magdala ng baril at aarestuhin ang mga ito ng mga alagad ng batas. (Joy Cantos)