BAGUIO CITY, Philippines - Itinalaga kahapon ni Pangulong Arroyo si Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) chief Undersecretary Antonio Villar Jr. bilang acting chairman ng Dangerous Drug Board (DDB) kapalit ng nagbitiw na si Tito Sotto na tatakbong senador.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, mag sisimula si Villar bilang chairman ng DDB sa Enero 4, 2010. Siya pa rin ang magiging hepe ng PASG.
Kinumpirma din ni Sec. Remonde ang appointment ni DENR Undersecretary Eleazar Quinto bilang acting DENR chief kapalit ng nagbitiw na si Sec. Lito Atienza na tatakbo namang alkalde ng Maynila.
Ginawa ni Pangulong Arroyo ang appointment nina Villar at Quinto sa isinagawang Cabinet meeting sa The Mansion kahapon.
Samantala, sinibak ni Usec. Villar ang isang director nito dahil sa ulat na sangkot sa robbery-extortion sa mga importers.
Sinibak si Strategic and Information Service director Rommel Javier matapos mahuli ang tauhan nitong si Jaime Capuno na itinalaga niyang monitoring chief at liaison officer ng PASG-SIS.
Naaresto si Capuno noong Dec. 22 kasama ang isang alyas Jojo Lontoc na na ngikil ng P50,000 sa negosyanteng sina henry at Tyrone ng ng UCC café sa San Juan.
Nalaman din ng PASG chief na tinatakot ni Javier ang mga negosyante na huhulihin daw ng PASG kung hindi magbibigay ng protection money sa kanya.
Ayon kay Villar, hindi niya kukunsintihin ang anumang maling gawain ng kanyang mga tauhan.
Wika pa ng PASG chief, hinihikayat niya ang publiko na isumbong kay PASG chief of staff Jeffrey Patawa ran ang sinumang tauhan niyang gumagawa ng pangingikil o illegal na gawain.
Ipinabatid na rin ni Villar kay Customs commissioner Napoleon Morales ang pagkakasibak kay Javier. Kakasuhan na rin ng criminal at administrative charges si Javier. (Rudy Andal)