MANILA, Philippines - Isang overseas Filipino worker na namamasukan bilang driver sa Saudi Arabia ang iniulat na nasawi matapos mahulog ang minamaneho niyang dump truck sa isang bangin noong bago mag-Pasko.
Sa report na tinanggap ng Migrante International-Middle East chapter mula sa isa sa kasamahang manggagawa ng biktima, ang nasabing Pilipino na pansamantalang itinago ang pangalan ay nagkakaedad ng 25-28 anyos, tubong Anda, Pangasinan,
Namatay matapos na mawalan ng kontrol ang minamanehong dump truck sa isang madulas at paliku-likong daanan hanggang sa mabilis na dumausdos at mahulog sa matarik na bangin.
Ayon kay Migrante-ME regional coordinator John Leonard Monterona, ang naturang driver na nagtatrabaho sa M/S Conar Company ay idineklarang dead-on-the-spot matapos ang insidente ng nakalipas na linggo.
Nakalagak ang mga labi ng nasabing OFW sa isang morgue sa Al Jarous, Al Baha sa Saudi Arabia. (Ellen Fernando)