MANILA, Philippines - Arestado ang dalawa sa pitong hinihinalang miyembro ng shoplifting syndicate na sakay ng isang van makaraang magpuslit ng dalawang lata ng powdered milk at 48 na piraso ng lotion sa isang kilalang mall sa Sta Cruz, Maynila kahapon ng tanghali.
Nakapiit na sa Manila Police District-Station 4 ang mga suspek na sina Shiela Capito, 24, dalaga ng Blk. 21, Lot 7, Damata, Letre, Malabon City at Rolando Sagun, 53, driver, ng 928 Arias St., San Miguel, Maynila.
Sa ulat ni P/Supt Ramon Pranada, unang nadakip si Capito na papalabas sa mall at nabawi sa kaniya ang dalawang pirasong gatas. Inalarma din sa pulisya ang pagsibad ng sasakyang kinalulanan ng mga kasamahan ni Capito kaya nagkaroon muna ng habulan ng sasakyan na nagsimula sa mall sa Oroquieta St., Sta Cruz, Maynila at nagtapos sa Sampaloc, Maynila.
Sa salaysay ng civilian security ng mall, dahil sa nadakip ang isa, nagsisakay ng van ang lima pang suspek at si Sagun at pinaharurot ang sasakyan.
Nang humingi ng saklolo sa pulisya ang security personnel ay nagkaroon ng habulan hanggang makorner si Sagun na nabawian naman ng 48 pirang lotion na ninakaw umano sa loob ng naturang mall.
Una umanong magkakasama ang mga suspek sa kanilang get away vehicle na isang kulay dark green na Nissan subalit nang maabutan ay nawawala na ang iba pang suspek at tanging si Sagun na lamang na nagmamaneho ang nahuli. (Ludy Bermudo)