MANILA, Philippines - Tahasan umanong binabalewala ng Department of Transportation and Communications ang kautusan ng Malacanang at mismong ni Pangulong Gloria Arroyo na tulungan ang transport workers na ituloy ang kanilang “conversion to LPG-powered engines” bilang sagot sa lumalalang problema ng climate change.
Dalawang taon na ang nakararaan nang ipalabas ng Malacañang ang Executive Order para pautangin ang mga jeepney operators at drivers para palitan ang kanilang mga polluting diesel engine ng makabago at environmentally-friendly LPG engines.
Nitong Disyembre, ipinalabas ng Department of Budget & Management ang P492-million sa DOTC para sa implementasyon ng programa.
Subalit matatapos na ang taning ng DBM na hanggang Disyembre 31, 2009 lamang kailangang maipalabas kaagad para sa nasabing conversion program ay “ayaw pa ring ilipat ng DOTC sa Philippine Postal Bank para maipautang na kaagad at masimulan ang proyekto.”
“Nandito na mismo sa DOTC ang ipinangakong pondo ni Pangulong Arroyo dalawang taon na ang nakararaan. Pero ano ang ginagawa ng kanyang mga opisyales sa DOTC, hanggang ngayon ay inuupuan lang ito at ayaw ipamahagi para naman makatulong kami sa pamahalaan,” ang sabi ni Jun Cerio, pangulo ng Makati Jeepney Operators & Drivers’ Association.
Dalawang mataas na opisyal ng DOTC ang umano’y nasa likod ng pagpigil sa pagrerelease ng nasabing multi-milyong pondo dahil gustong i-divert ito sa kanilang maiskandalong motor vehicle inspection project. (Butch Quejada)