MANILA, Philippines - Umarangkada si Se nador Mar Roxas sa pre-election survey sa pagka-bise presidente at naungusan nang malaki ang katunggaling si Sen. Loren Legarda.
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station para sa eleksyon sa pagka-Bise-Presidente na ginanap noong Disyembre 5-10, pinili ng 43.3% ng mga botante si Roxas samantalang 32% lang ang pumili kay Legarda.
Kung boboto lahat ang halos 50 milyong botanteng Pilipino, aabot sa halos anim na milyon ang magiging lamang ni Roxas kay Legarda kung mananatili ang 11% na lamang niya kay Loren, ayon sa SWS.
Laging nangunguna si Roxas sa SWS survey ng mga botante kung sino ang pipiliin nila na iboto bilang Bise-Presidente sa eleksyon sa 2010 simula nang i-anunsyo nila ni Senador Noynoy Aquino ang kanilang kandidatura para Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa noong Setyembre 21 ng taong ito.
Sinabi ni Prof. Becky Malay ng Philippine Rural Reconstruction Movement na dapat sana’y lumamang na si Legarda sa mga pre-election survey dahil tuloy-tuloy ang naging ad campaign niya sa radyo at telebisyon simula nang kunin siyang kandidato para sa Pangalawang Pangulo ni Senador Manuel Villar.