MANILA, Philippines - Dahil sa lumalalang pag-alburoto ng bulkang Mayon, naglatag na ng checkpoints ang mga otoridad sa itinuturing na “no-man’s land” o danger zones malapit dito.
Ayon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC) ang grupo ay pinangunahan ng pinagsanib na task force na magsasagawa ng pagpapatrulya sa nasabing lugar upang tugaygayan ang mga taong mapagsamantala at mga residenteng ayaw magsipaglikas sa kanilang lugar.
Partikular dito ang Barangay Quirangay sa Camalig; Barangay Salvacion at Barangay Matnog sa Daraga; Barangay Muladbucad sa Guinobatan; at Barangay Buyuan sa Matanag, Legazpi City.
Nananatiling ipinag babawal ng NDCC ang six-kilometer permanent danger zone sa itinuturing na “no man’s activity” dahil kinokonsidera ng otoridad ang lugar hanggang 8 km sa palibot ng bulkan bilang mapanganib na lugar.
Bagama’t ang abo ay hindi naman direktang mapanganib sa residente, narito pa rin ang takot sa sandaling maging isa itong putik na nangyari nang sumabog ang Mayon noong 2006 kung saan daang tao ang natangay. Ricky Tulipat