MANILA, Philippines - “Karamihan sa mga party list representatives ay abala sa paghahasik sa kultura ng galit sa admin kaya napababayaan nila ang tapat na paglilingkod sa mga mahihirap,” ito ang ipinahayag ni mediaman Fundy Soriano kamakailan.
Dahil nga sa pagkukulang ng ibang party list kung kaya pumayag si Soriano, isinilang sa Bolinao, Pangasinan, lumaki sa Quezon City at naninirahan ngayon sa Las Piñas City, na tanggapin ang alok ng Ahon Pinoy party list na maging No. 5 nominee. No. 1 nominee si mediaman Dante Francis Ang II.
Kakambal na ni Kuya Fundy ang public service sapagka’t ang kanilang “Kahapon Lamang” ni Eddie Ilarde sa ABS-CBN DZXL, ang nagsimula ng panawagan sa radyo ng mga kamag-anak na naghahanap sa kanilang nawawalang mahal sa buhay noong late 50s.
Bilang managing editor ng “People’s Tonight International” noong early 20s, nagsagawa ng fund raising campaign si Soriano, nakalikom siya ng halos isang milyong piso na ginamit na blood money o “diya” ng Saudi Arabia OFW na si Primo Gasmen ng Pangasinan na pinagbintangang pinatay ang kanyang kapwa overseas worker na Nepali.