MANILA, Philippines - Matapos tumanggi si Quezon City Regional Trial Court Judge Luisito Cortez na hawakan ang kaso ng Maguindanao massacre, isang babaeng hukom ang matapang na tumugon sa hamon sa muling pag-raffle sa kaso kahapon.
Bumagsak sa sala ni QC-RTC Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes ang multiple murder case ni Datu Unsay Maguindanao Mayor Andal Ampatuan Jr.
Una nang napunta ang kaso ni Ampatuan kay Judge Cortez pero nang mag-inhibit ito dahil sa seguridad at kundisyon ng kalusugan, nagsagawa muli ng pag-raffle sa QC court hinggil sa nabanggit na kaso.
Kontrobersiyal na rin daw umano ang mga hawak na kaso ni Cortez kaya ayaw na ng madaming load tulad ng two counts ng murder case ni dating Abra Governor Vicente Valera dahil sa pamamaslang kay Abra Rep. Luis Bersamin noong 2006.
Wala pa namang reaksiyon ang bagong hukom sa paghawak sa Ampatuan case dahil ang mga ito ay tinagubilinan na ni Chief Justice Reynato Puno na wala nang magaganap na inhibition dahil siya ang magbibigay ng seguridad sa hahawak ng kasong ito sa QC court.
Samantala, magsasampa ngayong umaga ng dismissal at disbarment case ang Volunteer Against Crime and Corruption laban kay Judge Cortez.
Ayon kay VACC founding chairman Dante Jimenez, hindi umano dapat na tinatanggihan ng mga huwes ang mga kasong mapupunta sa kanilang sala dahil indikasyon na rin umano ito na ayaw nilang bigyan ng hustiya ang dapat na mabigyan ng hustisya.
Aniya, ito naman ay nakapaloob sa kanilang sinumpaang tungkulin kung kaya’t walang dahilan ang mga ito na tumangging hawakan ang kaso kahit pa ito ay kontrobersiyal at nakaamba ang anumang panganib.
Sa kabila nito sinabi ni Jimenez na hindi naman nila kinukuwestiyon ang kredibilidad ni Cortez subalit mas dapat na nanaig dito ang kanyang tungkulin. (Dagdag ulat ni Doris Franche)