MANILA, Philippines - Tila ‘inangkin” na umano ng pamilyang Deloso ang lalawigan ng Zambales dahil ang mga anak, kapatid, pinsan at kamag-anak ng gobernador dito ay kumakandidato ngayon para sa 2010 election.
Sa isang kalatas na ibinigay sa mga mamamahayag, sinabi ng mga residente ng Zambales na mayroon umanong “40 bodyguards” si Gov. Amor Deloso na mistula ng private army.
Sa rekord ng Commission on Election, lumilitaw na ang runningmate ngayon ng gobernador ay ang kanyang pamangkin na si Jury Deloso bilang bise gobernador.
Kumakandidato naman bilang Congressman ng ika lawang distrito ng Zambales ang anak ng gobernador na si Sheryl Deloso.
Ang isa pang anak ng gobernador na si Adherbert Deloso ay tumatakbo bilang Alkalde ng bayan ng Iba, Zambales.
Si Estela Deloso naman na kapatid ng gobernador ang kumakandidato sa pagka-mayor sa bayan ng San Antonio.
Habang si Ino Deloso na isa pang anak ng gobernador ay naghahangad na maging vice mayor ng bayan ng Botolan. (Butch Quejada)