MANILA, Philippines - Iaapela ng Commission on Elections ang naging desisyon ng Korte Supre ma hinggil sa extension ng voters registration sa bansa.
Ayon kay Comelec legal chief Ferdinand Rafanan wala na umano silang nakikitang dahilan upang buksan ang pagpaparehistro dahil naabot na ng komisyon ang kanilang target na bilang ng mga botante para sa May 2010 elections.
Sinabi ni Rafanan na umaabot na sa 50 milyon Filipino ang nakarehistro na lagpas sa target number ng komisyon na 47 milyon.
Iginiit ni Rafanan na ang SC decision na i-extend ang voter‘s registration sa Enero 9, 2010 ay posibleng makaapekto sa implementasyon ng automation.
Iginiit ni Rafanan na ang SC ruling ay magiging daan upang ibasura ang mga inihanda ng Comelec na mga official list ng registered voters kabilang na rin ang programming ng mga voters’ names na inilagay sa voting machines.
Sakali naman umanong mabalewala ang kanilang apela may tentative timeline naman ang komisyon para sa extended voters’ registration.
Posibleng ito ay sa December 21, 22, 23, 28 at 29 at matapos ang New Year’s break, muling bubuksan ang Comelec offices sa Enero 4. (Doris Franche)