MANILA, Philippines - Pinulong kahapon ni Supreme Court Chief Justice Reynato Puno ang mga hukom ng Quezon City Regional Trial Court para bigyan ng moral support at hindi na muling tatanggap ng anumang dahilan para bitawan ang kasong multiple murder ni Datu Unsay Ma yor Andal Ampatuan Jr.
Aniya, hindi dapat katakutan ang kasong kinakaharap ng mga Ampatuan at kinakailangang itrato lang ito bilang isang ordinaryong kaso.
Ang pahayag at pagpupulong ni Puno sa mga hukom ng QC-RTC ay ginawa matapos na magbitiw si Judge Luisito Cortez sa pagdinig sa 25 counts ng kasong murder ni Ampatuan kaugnay sa umano’y pagpatay sa 57 katao sa Maguindanao at ikinatuwiran nitong siya ay may problema sa kalusugan at madami ng hinahawakang kaso, bukod pa ang paniniyak sa kaligtasan ng kanyang pamilya.
Iginiit pa ni Cortez na maraming ambush na ang kanyang naranasan dahil sa mga kasong hinahawakan at ilan dito ang nabigong pananambang sa kanya sa Plaridel, Bulacan. Nakatanggap din aniya siya ng pagbabanta sa kanyang buhay sa kaso ni Abra Congressman Luis “Chito” Bersamin. Handa rin harapin ni Cortez ang anumang parusang maaaring ibigay sa kanya ng KS sa ginawang pagbibitiw sa naturang kaso.
Ang QC-RTC ay may 23-hukom at open-raffle ang gagawin sa naturang kaso ngayong araw ganap na alas-2 ng hapon. Tiniyak din ni Puno na magkakaroon ng kumpletong transparency sa pagdinig ng nasabing kaso. Nangako din ang punong mahistrado na bibigyan ng 24-oras na seguridad ang hukom na hahawak sa kaso ni Ampatuan Jr.
Kasabay nito, pinayuhan ni Justice Secretary Agnes Devanadera si Cortez na maghanap na lang ng ibang trabaho. (Angie dela Cruz/Doris Franche)