Martial Law pagdedebatihan sa Kongreso

MANILA, Philippines - May 18 senador ang tutol sa deklarasyon ni Pangulong Gloria Arroyo ng Martial Law sa Ma­guindanao.

Nagkaisa sila kaha­pon na hindi na kailangan ang batas militar para mapanagot sa batas ang mga arma­dong grupo maging ang pamilya Ampatuan na itinuturong responsable sa pagpas­lang sa 57 katao kabilang ang 30 mamamayag no­ong Nobyembre.   

Maghaharap ang 23 Senador at 230 Kon­gre­sista ngayong Martes para pagdebatihan ang pagdedeklara ng Martial law sa Maguindanao.  

Naniniwala ang mga senador na sapat na ang state of emergency upang lipulin ang sinasa­bing private armies ng mga Am­pataun.

Nagpatawag na rin si House Speaker Prospero Nograles ng all - party cau­cus para liwanagin sa buong miyembro ng Kamara para desisyunan kung pabor, ibabasura, kakatigan o lilimitahan ang Presidential Proclamation 1959 o martial law sa probinsiya ng Ma­guin­danao.

Dahil kakaunti la­mang ang bilang kum­para sa mahigit na 200 kon­gre­sista, aminado ang ilang senador na maba­bale­wala rin ang boto nila sa Martial Law sa isasa­gawang joint session ngayong alas-4 ng hapon sa Batasang Pambasa.

Mismong si Senadora Miriam Defensor-San­tiago, ay aminado na ma­babalewala lamang ang boto ng mga senador kahit marami sa kanila ay naniniwalang hindi dapat idineklara ang Martial Law. (Malou Escudero at Butch Quejada)

Show comments