MANILA, Philippines - Ilang mambabatas, abogado, militanteng grupo at ibang individual ang nagsampa kahapon sa Supreme Court ng magkakahalintulad na petisyon na kumukuwestyon sa ligalidad ng batas militar na idineklara ni Pangulong Gloria Arroyo sa Maguindanao noong Sabado.
Kabilang sa mga mambabatas na nagpetisyon sina Bayan Muna Partylist Rep. Satur Ocampo at Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen na nagsabi pa na walang makatotohanang basihan ang pagkakadeklara ng Batas Militar dahil wala naman rebelyon o pananakop na nangyayari sa Maguindanao.
Pinabulaanan din ni Dilangalen ang posisyon ng gobyerno na hindi na umiiral ang sistema ng hustisya sa lalawigan kaya ipinailalim ito sa puwersa ng militar.
Kasunod ni Dilangalen na humiling sa Mataas na Hukuman na ipawalambisa ang batas militar sina Atty Sigfrid Fortun na abogado ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr kasama ang isang Albert Lee Angeles dahil umabuso anila sa kapangyarihan si Gng. Arroyo.
Naghain din ng kahalintulad na petisyon ang National Union of People’s Lawyers at ang grupo ni Prof. Harry Roque ng University of the Philippines.
Nanindigan ang mga petitioner na hindi na kailangan ang batas militar sa Maguindanao na hanggang ngayon ay nasa ilalim pa rin ng state of emergency na unang idineklara ng Pangulo noong Nobyembre 24, 2009, isang araw matapos ang pagmasaker sa may 57 katao sa lalawigan.
Pinuna nila na hindi naman napatunayan ng pulisya at militar ang pagkalat sa lalawigan ng mga armadong tao.
Sa Malacañang, sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na handa ang pamahalaan na ipagtanggol sa Mataas na Hukuman ang Proclamation 1959 na nagpataw ng batas militar sa Maguindanao.
Sinabi pa niya na babawiin ng pamahalaan ang batas militar kapag bumalik ang kaayusan at mabuwag ang lahat ng private armies sa Maguindanao.
Idinagdag niya na kailangan munang matiyak na ligtas ang mga testigo at madadakip ang lahat ng suspek sa masaker.
Iginiit din niya na sa Maguindanao lang ipapataw ang batas militar.
Naisumite kamakalawa ng gabi ng Palasyo ang written report ng martial law sa Kamara at Senado gaya ng nakasaad sa Konstitusyon na dapat iulat ng Pangulo sa loob ng 48 oras matapos itong ideklara. (Doris Franche at Rudy Andal)