MANILA, Philippines - Hinikayat ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente na gumamit lamang ng ligtas na Christmas lights ngayong panahon ng Kapaskuhan upang makaiwas sa mga peligro ng sunog at pagka-kuryente.
Inatasan din ni Mayor Recom si City Administrator Russel Ramirez at Caloocan Market Inspection Division na bantayan ang mga ibinebentang Christmas lights sa lungsod at tiyaking mayroon ang mga itong tamper-proof na Import Commodity Clearance (ICC) mula sa Department of Trade and Industry-Bureau of Product Standards.
Kanya ring hinimok ang mga retailer na umiwas sa pagtitinda ng mga substandard na Christmas lights, lalo na ang may maninipis na wire at malalambot na saksakan o plug.
Bubusisiin din ng inspection team ang mga ICC certificate upang masiguro na ang petsang nakatatak sa mga ito ay hindi mas maaga ng 2006.