Gloria resign! - FVR

MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni dating Presidente Fidel Ramos ang kanyang kaal­yadong si Presidente Gloria Arroyo na magbitiw sa tungkulin kung sasabak sa halalan sa pagka-kina­tawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa ilalim ng partidong Lakas-Kampi.

Sa isang panayam sa te­lebisyon, sinabi ni Ramos na hindi patas sa mga ma­ kakalaban niya sa 2010 kung mananatili siya sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan.

“Papaano yung mga ordi­naryong tao na gus­tong tumakbo rin sa pagka-kinatawan ng kanyang distrito?” tanong ng dating Pangulo.

Nauna nang binatikos ni Ramos ang Pangulo na aniya’y “pinabababa ang opisina ng panguluhan” sa kanyang pagkandidato sa mas mababang puwesto.

Bukod dito, tinuligsa rin ng dating pangulo si Mrs. Arroyo dahil sa halip na asikasuhin ang problema sa Maguindanao ay mas mahabang panahon pa ang iniuukol sa kanyang lalawigan.

Halos tiyak na ang panalo ng Pangulo dahil itinuturing siyang “uncontested” o walang kalaban dahil pulos hindi kilala ang mga itinatapat sa kanya.

Sa Senado, kinampi­han naman ni Sen. Miriam Santiago ang planong pag­takbo ng Pangulo sa mas mababang puwesto dahil kuwalipikado naman ito.

“Karapatan niyang tu­makbo kahit sa pagka-ba­rangay captain o kaga­wad,” ani Santiago.

Ang pahayag ni San­tiago ay taliwas naman sa sinabi ng ilang senatorial candidate dahil kahit sa posisyon ng barangay captain ay hindi ito kuwali­pikado.

Gayunman, pinayuhan ni Sen. Juan Miguel Zubiri si Arroyo na mas mabuti kung maging “senior statesman” na lang ito ng bansa pagkatapos ng termino sa 2010, gaya ng ginawa ni Ramos at yuma­ong pangulong Corazon “Cory” Aquino.

Ngunit ang lahat ng payo at opinion para kay Arroyo ay mababalewala dahil desidido na itong tumakbong congresswoman ng Pampanga ma­ta­pos na pormal na magsumite ng Certificate of candidacy kamakalawa sa naturang lalawigan.

Show comments