MANILA, Philippines - Nagdeklara kahapon si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tatakbo na siyang kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga matapos ang matinding ‘panliligaw’ ng kanyang mga cabalen na maging kinatawan siya sa Kongreso.
Ayon sa Pangulo, ikinunsidera niya ang kahilingan ng kanyang mga cabalen sa 2nd district ng Pampanga na naging batayan niya upang tumakbong kongresista sa darating na 2010 elections.
Sinabi naman ng abogado ni Gng. Arroyo na si Atty. Romulo Macalintal na hindi naman makakaapekto sa kanyang trabaho bilang Pangulo ang pagtakbo nitong kongresista at, bagkus, patuloy pa rin ang kanyang paglilingkod sa taumbayan.
Sinasabi sa isang report na isang kinatawan ng Pangulo ang magsusumite ng kanyang certificate of candidacy sa lokal na tanggapan ng Comelec sa Lubao, Pampanga.
Hanggang mamayang hatinggabi ang pagsasampa ng COC ng mga kandidato sa pambansang halalan.
Nagpahayag naman ng paniniwala sina Senator Mar Roxas at Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na tatakbong kongresista si Pangulong Arroyo para proteksiyonan ang kaniyang sarili sa kung anu-anong kasong posibleng isampa sa kaniya sa sandaling makababa na sa puwesto. “Yung mga may sabit at takot na ma-file-an ng mga kaso. Tumatakbo dahil sa akala nila proteksyon ito,” sabi ni Roxas.
Ayon naman kay Pimentel muli na namang binali ng Pangulo ang kaniyang pangako na hindi na kakandidato at siguradong kakasangkapanin nito ng kapangyarihan upang protektahan ang kanilang sarili laban sa oposisyon.