Pamilya Ampatuan nasa watchlist

MANILA, Philippines - Inatasan ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera ang Bureau of Immigration (BI) na isailalim sa watchlist ang iba pang miyembro ng angkan ng mga Ampatuan matapos ituring din silang mga suspek sa Maguindanao massacre.

Sinabi kahapon ni Devanadera na lumabas kasi sa mga affidavit ng may 20 testigo na hawak ng DOJ na bukod kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ay kabilang din sa direktang may kinalaman sa masaker ang walo pang Ampatuan.

Bukod kay Ampatuan Jr., isinali na sa watchlist ang ama nitong si Datu Andal Ampatuan Sr., Nords Ampa­tuan, Akmad Ampatuan, Saudi Ampa-tuan Jr., Bahna­rian Ampatuan, Sajid Islam Ampatuan, Akmad Tato Ampatuan Sr., at Zaldy Puti Ampatuan.

Nais ng kalihim na matiyak na hindi makakalabas ng bansa ang mga Ampa­tuan. Ipinasu-surveillance na rin ang mga bahay at lugar kung saan nama­malagi ang mga Ampatuan para maban­tayan ang kanilang galaw.

Sa Martes umano maihahain ng DOJ ang 7 counts ng murder sa General Santos Regional Trial laban kay Ampa-tuan Jr. Ito’y da­hil sa Eidl adha nga­yon at holiday roon sa Co­ta­bato at sa Lunes na­man ay holiday   din (Boni­fa-cio Day).

Idinidiin din ng ilang testigo ba­tay sa si­num­pa­ang sa­laysay ng mga ito, na si Am­patuan Jr., ang bumaril sa mga biktima kaya’t tiyak na mabubulok ito sa loob ng selda.

Irerekomenda naman ng prosecution kay Pangulong Gloria Arroyo na bigyan ng solong kulungan si Ampatuan dahil itinuturing itong “high risk” criminal.

Aniya, hindi dapat ihalo sa karamihan ng preso si Ampatuan Jr., lalo pa at may mga naaresto pang sibilyan na sangkot din sa massacre.

Naghahanap na rin sila ng mas mala­wak na detention facility tulad sa Tanay, Rizal dahil sa inaasahang maraming mga suspek na kanilang ikukulong at ili­lipat mula sa Maguindanao. Kilala na ng DoJ ang mahigit sa 80 indibidwal na si-na­sabing may kaugnayan sa massacre. (LBermudo/GGarcia/RTulipat)

Show comments